Trike driver nadamay sa holdap, patay
MANILA, Philippines - Isang tricycle driver ang nasawi, habang sugatan din ang pasahero nitong empleyada ng isang lotto outlet matapos na pumalag ang mga huli sa riding in tandem na holdaper sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Guillermo Guibaga, 76, ng Brgy. Up Campus sa lungsod. Habang sugatan naman sina Lea Ulip, 19 at Jamaica Miranda, 14 , na ngayon ay ginagamot sa East Avenue Medical Center, Quezon City.
Ayon sa ulat, ang mga suspect ay kapwa naka-suot ng jacket at helmet at sakay ng isang Honda motorcycle ay mabilis na tumakas tangay ang may P20,000 koleksyon ng lotto.
Nangyari ang insidente sa Masunsunan St., Brgy. Teachers Village East, pasado alas-9 ng gabi.
Bago ito, galing umano sina Ulip at Miranda sa kanilang binabantayang lotto outlet sa J. Francisco St., corner Baluyot St., Brgy. Krus na Ligas at ihahatid sana ang koleksyon nito sa bahay ng among si Melchor Robel sa may Project 2.
Sakay ang dalawa sa tricycle ni Guibaga at habang tinatahak ang Masunsunan St., ng nasabing barangay ay biglang hinarang ang mga ito ng isang Honda motorcycle na walang plaka sakay ang mga suspect.
Agad na nagsipagbabaan sa motorsiklo ang mga suspect at pilit na inaagaw ang bag na naglalaman ng pera kay Ulip. Nang tumanggi si Ulip na ibigay ang bag ay nairita ang mga suspect at pinaputukan sila kung saan napuruhan ang tricycle driver.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na dinampot ng mga suspect ang bag saka muling sumakay sa kanilang motorsiklo at tumakas.
Hinala ng pulisya, maaring matagal nang minamanmanan ng mga suspect ang mga biktima dahil batid ng mga ito ang lugar kung saan ito dumaraan.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending