Buntis na kinidnap dahil sa utang, nasagip
Manila, Philippines - Nasagip ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang 7-buwang buntis na ginang na dinukot kasabay nang pagkakaaresto sa negosyanteng pinagkakautangan nito at apat na iba pa sa isinagawang raid sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr. ang nailigtas na biktima na si Guillerma Tan, 29.
Arestado naman ang itinuturong kidnapper nito na si May Cabuenas, 30, ng Sta. Cruz, Maynila at mga kasabwat umanong sina Maria Elena Apolinario, Brgy. Chairwoman ng 381 Zone 38, 3rd District ng Maynila; mister nitong si Edgardo; Abigan Fermin at David Emralino; pawang mga opisyal ng barangay sa kanilang lugar.
Sinabi ni Pagdilao na dakong alas-8 ng gabi nang isagawa ang operasyon. Si Cabuenas ay nasakote habang tinatanggap ang pera kapalit ng kalayaan ng buntis na ginang habang inaresto rin ang mga kasamahan nitong sina Apolinario na kaharap sa transaksyon.
Ang pagdakip kay Cabuenas ay matapos itong ireklamo ni Sherwin Mole Atienza, live-in partner ng biktima na dinukot ng suspek dahil hindi nakabayad ng utang na umaabot sa P50,000 sa huli.
Kinontak umano si Atienza ng suspek at pinagbabayad siya ng P280,000 kapalit ng kalayaan ng kanyang live-in partner, gayung P50,000 lamang ang kanilang utang kaya napilitan siyang dumulog sa PNP-CIDG. Ang ginang ay isang araw na ikinulong sa silid ng bahay ng nasabing negosyante.
Gayunman, ayon kay Pagdilao ay pinalaya ang iba pang kasabwat ni Cabuenas dahil hindi ang mga ito isinama ng biktima sa pagsasampa ng kaso.
Nahaharap ngayon sa kasong kidnapping at serious illegal detention si Cabuenas na sumasailalim sa imbestigasyon sa PNP-CIDG sa Camp Crame.
- Latest
- Trending