Manila, Philippines - Pinaulanan muna ng bala sa loob ng kanyang sasakyan ang isang retiradong pulis ng dalawang armadong suspect, bago siya hinugot mula rito at paulanan muli ng bala sa katawan hanggang sa mamatay sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si retired SPO2 Efren Sexon, 62, dating nakatalaga sa Manila Police District (MPD) at residente sa Montalban, Rizal.
Nangyari ang insidente habang sakay ng kanyang Honda City (NIG-960) ang biktima at ipinarada ito sa nasabing lugar para bumili ng prutas ganap na alas-8:15 ng umaga.
Ayon sa mga saksi, naghihintay na umano sa lugar ang nasabing mga salarin kaya naman nang huminto ang sasakyan ng biktima ay bigla na lang tinungo ng mga ito ang huli at pinagbabaril.
Sinasabing matapos na tadtarin ng bala ang biktima sa loob ng kanyang sasakyan, hindi pa nasiyahan ang mga suspect at hinugot pa ito mula rito saka kinaladkad sa kalye at muling tinadtad ng bala sa katawan.
Matapos ang pamamaril ay biglang dumating ang isang motorsiklo at sumakay ang mga suspect papalayo sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat, nakarekober ang mga awtoridad ng may 21 basyo ng bala ng kalibre 45 baril at kalibre 9mm sa nasabing lugar.
Hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa isinagawang pamamaslang sa biktima.