Trader sugatan sa akyat-bahay
MANILA, Philippines - Isang negosyante ang sugatan matapos itong barilin ng isa sa apat na magnanakaw na nanloob sa loob sa kanyang bahay kahapon ng umaga sa Valenzuela City.
Ginagamot sa Fatima Medical Center ang biktimang si Jose Benigas, 43, ng Brgy. Ugong ng nasabing lungsod, isang junkshop owner. Nagtamo ito ng tama ng bala sa tuhod .
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima habang mahimbing itong natutulog nang maalimpungatan sa narinig na ingay.
Agad na gumising ang biktima at nakita nito ang apat na armadong suspek na nasa loob na ng bahay. Gayunman, nakita rin siya ng mga suspect kaya mabilis itong tinutukan ng baril ng isa habang ang tatlo pa ay patuloy na kinukuha ang mahahalagang gamit ng biktima.
Bago tumakas binaril ng isa sa mga suspect sa tuhod ang biktima.
Tinatayang aabot sa P.6-milyon halaga ng mga alahas at kagamitan ang nakulimbat ng mga suspect.
- Latest
- Trending