MANILA, Philippines - Ipinagharap kahapon ng mga kasong gun totting, physical injury at robbery sa Manila Prosecutor’s Office ng dalawang construction workers ang isa sa tatlong tauhan ng Manila Police na diumano’y kumuha ng kanilang suweldo sa isa na namang insidente ng ‘hulidap’ sa Sta. Mesa, Maynila.
Positibong kinilala ng mga complainant na sina Eddie Paglinawan at Panfilo Tuzon, kapwa construction workers, sa komprontasyong naganap kamakalawa sa MPD-General Assignment Section ang suspect na si PO1 Oliver Sangel, na nakatalaga sa MPD-District Special Project Unit (DSPU). Ang dalawang kasamahan nito ay hindi pa nakikilala.
Sa reklamong inihain ng dalawa, dakong alas- 9 ng gabi noong Abril 9 nang bigla silang lapitan ng tatlong diumano’y lalaki, natukoy si PO1 Sangel na isa sa mga ito.
Kinapkapan at nakuha umano kay Paglinawan ang sinuweldo niyang mahigit P1,800 na cash at saka isinakay sila ni Tuzon sa dalang motorsiklo ng mga suspect at pinaikot-ikot sa lugar na hindi nila kabisado hanggang sa ibalik sila sa mismong construction site na kanilang pinapasukan.
Hawak umano ng mga suspect si Tuzon at sinabihan si Paglinawan na sabihan ang kanilang Engineer na tubusin ito at kung hindi ay ‘itutumba’ ito. Kinabukasan ay nakauwi na umano si Tuzon nang magdala ng P2,000 ang isang Engineer Bustamante, isa sa amo ng mga complainant.
Bukod sa dalawang biktima, sinabi ni Engineer Bustamante sa media na marami nang reklamo ang kaniyang construction workers hinggil sa pang-aabuso umano ng mga pulis.
Mariin namang itinanggi ni PO1 Sangel na isa siya sa tatlong nangikil at nanghulidap sa mga construction worker.