Depositor ng Banco Filipino, nag-suicide
MANILA, Philippines - Isang depositor ng nagsarang Banco Filipino ang iniulat na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili, kahapon sa Las Piñas City.
Nakilala ang nasawi na si Carmino Mangubat, 49, isang dating seaman, at ngayo’y namamasukan bilang family driver at naninirahan sa Block 20 Lot 1 Diamond Street, Veraville Philam Village, Brgy. Talon 2, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng hapon nang madiskubre ang duguang bangkay ng biktima sa pinapasukang bahay ng kanyang amo sa Philam Village, Pamplona 2, ng naturang lungsod.
Katabi ng bangkay ng biktima ang isang suicide note kung saan nakasaad ang mga katagang “Nasira ang buhay ko dahil sa away ng BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas) at BF (Banco Filipino). Pagod na ako di makakain at di makatulog. Paalam at patawad po.”
Nabatid pa na may nakadepositong P200,000 ang biktima sa naturang bangko na napuwersang magsara kamakailan. Ipon pa umano ng biktima ang pera buhat sa pagtatrabaho bilang seaman at kinakailangan na ito ng biktima ngunit hindi makuha. Nawalan na umano ng pag-asa ang biktima na makuha ang pera matapos na kabi-kabilang problema ang suungin nito dahil sa kahirapan.
- Latest
- Trending