Sanggol patay sa sunog sa QC
MANILA, Philippines - Matapos ang halos limang oras na pag-apula sa sunog na lumamon sa may 200 kabahayan, nadiskubre ng mga pamatay-sunog ang bangkay ng isang sanggol na lalaki sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon kay FO1 Jessie Gealon ng Quezon City Fire Station, ang bata ay kinilalang si Joven Ugsamin, isang taon at apat na buwang gulang ay nakita sa ginawa nilang mopping operation matapos ang sunog na naganap sa may Purok 1, Luzon Avenue, Brgy. Culiat sa lungsod.
Sinasabing ang bata ay nauna nang hinahanap ng kanyang mga magulang matapos na iwan umano ito sa pangangalaga ng kanilang kapitbahay habang marami sa mga residente ang aligaga sa pagliligtas sa kanilang mga kagamitan dahil sa sunog.
Diumano, nang balikan ng kanyang mga magulang ang bata ay malaki na ang apoy kung kaya hindi na nito nagawang mapuntahan hanggang sa matuklasan na lang itong bangkay.
Bukod dito, umabot naman sa 11 katao ang nasugatan na pawang nagtamo ng mga lapnos sa kanilang braso at binti.
Sa pagsisiyasat, lumitaw na aabot sa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan at ngayon ay nakalagak na lamang sa may tulay ng Commonwealth sa nasabing lugar.
Samantala, pinangunahan ni QC Vice Mayor Joy Belmonte ang pamamahagi ng mga ready-to-eat-foods at iba pang pangangailangan ng mga residenteng nasunugan.
Partikular na nabiyayaan ng ayuda ni Belmonte ang mga nasunugan sa Barangay Culiat at Barangay Central at Barangay Pinyahan na pansamantalang nakasilong sa mga barangay hall at covered courts. (Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending