MANILA, Philippines - Pansamantalang naantala na naman ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 bunsod ng aberyang naganap nang magkaroon ng problema ang pinto ng isa sa mga bagon nito kahapon ng umaga.
Ayon kay LRT Administration spokesman Hernando Cabrera, naganap ang aberya sa Carriedo Station sa Sta. Cruz, Manila, ngunit tumagal lamang ito ng limang minuto at agad ding bumalik sa normal ang operasyon ng mga tren.
Paliwanag naman ni Cabrera, posibleng nag-ugat ang problema dahil sa napakaraming commuters na sakay ang tren kaya’t hindi kaagad nakasara nang maayos ang pintuan.
Aminado naman si Cabrera na bagamat limang minuto lamang ang delay ay apektado nito ang buong sistema at naging sanhi rin ng “exponential delay.”
Paliwanag nito, ang standard interval ng LRT para sa mga tren ay tatlong minuto lamang, ngunit dahil sa delay ay naging anim na minuto ito.