MANILA, Philippines - Isang fetus na lalaki na nakalagay sa plastic na garapon ang natagpuan ng mga residente habang pinagkakaguluhan ito ng mga daga kahapon ng umaga sa Caloocan City. Dakong alas-3 ng madaling-araw nang matagpuan ang nasabing fetus na tinatayang nasa anim na buwan sa kahabaan ng 3rd Avenue ng nabanggit na siyudad.
Nabatid sa mga residente, napansin nila na nagkakagulo ang mga daga malapit sa maruming sapa kaya’t isa sa mga ito ang kumuha ng flashlight upang makita ang pinagmulan ng ingay. Laking gulat pa ng mga ito nang makita ang isang plastic na garapon na may lamang fetus. Sa inisyal na pagsisiyasat, posibleng biktima ng abortion ang fetus dahil na rin sa nakitang palatandaan sa ulo at katawan nito.