MANILA, Philippines - Ipatatawag ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga provincial bus companies na biglaang nagtaas ng pamasahe kahapon.
Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB board member Manuel Iway, maaaring mapatawan ng ahensiya ng overcharging ang mga bus company na nagtaas ng pamasahe na hindi awtorisado ng ahensiya.
Kapag napatunayang may pagkakamali ang mga bus companies na miyembro ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), sinabi ni Iway na maaari silang magmulta ng P3,000 sa unang offense, P4,000 sa second offense at P5,000 at pagkakansela ng prangkisa sa ikatlong offense.
Kaugnay nito, sa isang panayam, sinabi ni PBOAP President Alex Yaque na ipinatupad lamang ng ilang bus operators ang dagdag singil sa pasahe dahil noong Mayo 2008, kahit na naaprubahan ng LTFRB noon ang P9.00 pasahe sa first 5 kilometer at P1.40 sa succeeding kilometer ay hindi pa rin nagtaas ang maraming bus company.
Anya, bumaba noon sa P39.95 ang halaga ng diesel kada litro kaya maraming bus company noon ang ipinanatili lamang sa P8.50 ang pasahe sa provincial buses sa first 5 kilometer at P1.35 sa succeeding kilometers.
“Ngayon kasi, umaabot na sa P46 ang halaga ng diesel kayat minabuti ng mga bus company na hindi pa nag-increase noon na tupdin na ang tamang rate ng pasahe nila dahil apektado na sila ng toll fee hike at oil price hike,” paliwanag ni Yague.
Handa naman anya silang magpaliwanag sa LTFRB hinggil sa sinasabing nagtaas sila ng pasahe.