Not guilty plea sa Dominguez brothers

MANILA, Philippines - Not guilty plea ang ipinasok sa magkapatid na sina Ray­mond at Roger Dominguez matapos basahan ng sakdal sa Quezon City court kaugnay sa umano’y pagpaslang sa car dealer na si Venson Evangelista.

Tumangging magbigay ng kanilang plea sina Alfred Men­diola at Jason Miranda kung kaya mismong si QC Regional Trial Court Branch 215 Judge Ma. Luisa Quijano Padilla na lamang ang nagpasok ng “not guilty” plea sa mga ito.

Samantala, pinagbigyan naman ni Judge Padilla ang kahilingan ng prosekusyon na matanggal na sa listahan ng akusado si Ferdinand Parulan dahil nabatid na nakakulong ito sa isang presinto sa Bulacan nang maganap ang pagdukot at pagpaslang kay Evangelista.

May records umano na nagpiyansa si Parulan para sa isa pang kaso ng carnapping at nakalabas lamang ito ng kulu­ngan noong Enero 14 kung kaya nang maganap ang pagdukot at pagpatay kay Evangelista ay nasa piitan ito.

Dalawang pangalan naman ang naidagdag sa listahan ng akusado na kinabibilangan nina Rolando “Rolly” Talban at Eduardo Lopez na pawang nakalalaya pa magpahanggang ngayon.

Kasabay ng pagsama sa pangalan ng dalawang karagdagang akusado, ipinag-utos din ni Judge Padilla ang pag-isyu ng warrants of arrest laban sa mga ito.

Maliban dito, itinakda rin ng hukom ang paglilitis ng kaso sa tuwing araw ng Lunes at Martes kung kaya pagkatapos ng Semana Santa ang susunod na pagdinig sa kaso ng mga Dominguez ay sa Abril 25 ng kasalukuyang taon.

Show comments