BCJ member itinumba sa harap ng ka-live-in

MANILA, Philippines - Utas ang isang 27-anyos na miyembro ng Batang City Jail (BCJ) nang barilin habang naglalakad ng isa sa tatlong lalaking sakay ng dalawang motorsiklo sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa paga­mutan ang biktimang si   Ro­berto Melgarejo, alyas Tata, ng Interior 32 Perla St., Tondo, Maynila.

Pinaghahanap naman ang tatlong suspect na nakilala lamang sa alyas na “Macmac Sumpak”, isang Jay-R Gutierrez at isang di kilalang lalaki.

Batay sa ulat, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Perla at Quirino Sts. sa Tondo, Maynila.

Naglalakad umano ang biktima at live-in partner nitong si Cheryl Hilario at kapatid na si Daisy Melgarejo nang biglang hintuan ng dalawang motorsiklo lulan ang mga suspect at saka sunud-sunod na pinaputukan ang biktima at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.

Posibleng atraso umano ang motibo sa isinagawang pagpaslang.

Show comments