MANILA, Philippines - Ikaw ba ay magulang na taga-Quezon City?
Napag-aaral mo ba ang iyong mga anak?
Kung hindi, posible kang makulong at magmulta pa ng halagang P5,000.
Ito ay kapag naaprubahan ng QC Council ang isang panukalang ordinansa na inihain ni Councilor Ranulfo Ludovica ukol dito.
Sa ilalim ng panukala, gagawing mandatory sa lahat ng magulang na taga-Quezon City na papag-aralin ang kanilang mga anak sa elementary at high school upang masiguro ang kanilang kinabukasan.
Kabilang sa nasasakop ng ordinansa ang mga magulang o kaanak na tumatayong guardian ng mga bata.
Ayon kay Ludovica, na siya ding Presidente ng QC Liga ng mga Barangay, ang pagpapaaral sa mga bata ay isang obligasyon ng magulang sa kanilang mga anak.
Sa ilalim ng Section 13 ng Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act,” na inamyendahan ng RA 9231, “no child shall be deprived of formal or non-formal education.”
Sinabi pa ni Ludovica na kahit mga magulang na walang trabaho ay maaaring mapag-aral ang mga anak dahil libre naman ang pag-aaral sa public school at karamihan sa mga paaralang ito ay nakatayo sa bawat barangay na minamantine nito.
Upang matulungan ang mga residente, sinabi ni Ludovica na naglaan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng iba’t ibang livelihood opportunities.