MANILA, Philippines - Nalagay sa panganib ang gas pipeline ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) sa posibleng malaking pagsabog makaraang isang sunog ang sumiklab sa isang hardware store may 200 metro ang layo sa lugar ng tagas sa Brgy. Bangkal, Makati City kamakalawa ng gabi.
Masuwerteng hindi kumalat ang apoy dahil sa firewall nang natupok na Irwin hardware store na nasa panulukan ng Evangelista St. at EDSA, sa naturang barangay.
Nabatid na sumiklab ang apoy dakong alas-6:25 ng gabi kung saan umabot ang sunog sa ikatlong alarma. Pasado alas-8 na ng gabi nang maapula ng mga pamatay-sunog ang apoy. Wala namang naiulat na nasaktan sa naturang insidente.
Personal pang tinungo ni Makati Mayor Junjun Binay ang lugar ng sunog makaraang mabalitaan na malapit lamang ito sa West Tower Condominium na unang nadiskubre ang tagas sa pipeline.
Naging kampante naman ang alkalde na hindi lalala ang sitwasyon dahil sa may kalayuan umano ang 200 metrong distansya ng sunog sa naturang condominium building.
Matatandaan na noong nakaraang Disyembre, ipinagbawal ng pamahalaang lungsod ng Makati ang pagpapaputok sa bisinidad ng pipeline dahil sa pangamba na magkaroon ng malakas na pagsabog dahil sa singaw ng gas na umakyat na sa hangin. (