SPO2 Gregorio Mendoza, sumuko sa NBI
MANILA, Philippines - Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Manila court bunsod ng hindi pagdalo sa pagdinig, sumuko na rin kahapon kay Justice Secretary Leila de Lima si SPO2 Gregorio Mendoza ang kapatid ng napatay na hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza.
Kasama ang kanyang abogado na si Atty. Romulo Macalintal, dakong alas-9:15 ng umaga nang magtungo si Gregorio sa NBI kung saan sinabi nito na ipinasya niyang sa ahensiya sumuko dahil wala umano siyang tiwala sa mga pulis. Ang warrant ay ipinalabas ni Judge Alberto Tenorio.
Ayon naman kay Macalintal, voluntary surrender ang ginawa ni Gregorio dahil nais lamang nitong nasa ilalim ng kustodiya ng NBI.
“Gusto niya makasigurado na ligtas siyang makasusuko,” ani Macalintal.
Pansamantalang nakalaya si Mendoza matapos maglagak ng P100,000 piyansa.
Si Gregorio ay kinasuhan ng serious illegal detention at conspiracy bunga ng August 23 Manila hostage crisis sa Quirino Grandstand sa Maynila na ginawa ng kanyang kapatid na si Rolando at ikinasawi ng walong Hong Kong nationals.
- Latest
- Trending