MANILA, Philippines - Mahigit sa isang libong pamilya ang nawalan ng tahanan matapos ang malaking sunog na naganap sa Malabon City kahapon.
Dakong alas-2:24 ng madaling-araw nang magsimulang lamunin ng apoy ang bahay ng isang Wilfredo Priel sa Camia St., Barangay Maysilo ng nasabing lungsod.
Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay ay madaling kumalat ang apoy at nahirapan din ang mga bumbero na apulain agad ito dahil sa masikip na kalsada.
Wala namang napaulat na nasaktan at nasawi sa sunog na umabot sa 5th alarm at idineklarang fire-out dakong alas-7:15 ng umaga.
Tinataya namang aabot sa P2.5 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa naturang sunog.
Agad namang nagpaabot ng tulong si Malabon City Mayor Canuto “Tito” Oreta sa mga naapektuhan ng sunog.