MANILA, Philippines - Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang 21-anyos na estudyante ng University of the East matapos magbaril sa kanyang dibdib na tumagos sa likod kamakalawa ng hapon sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Kenneth John Pabelo, nasa ikalawang taon sa kursong Hotel and Restaurant Management at residente ng Old Sta. Mesa St., Sta. Mesa.
Ayon sa report, dakong ala-1:00 ng hapon nang madiskubre ng kanyang kapatid ang pagpapatiwakal ng biktima sa loob ng kanyang silid.
Sinabi ni Jeken Rhyss Pabelo na bago ito, narinig niya ang malakas na putok mula sa silid ng biktima kaya inakyat niya ang kuwarto nito, gayunman naka-lock ang pintuan nito. Dahil dito, sapilitan na nilang binuksan ang pinto at doon nakita ang duguang biktima.
Mabilis itong isinugod sa pagamutan subalit hindi na umabot pang buhay.
Natukoy din na ang may-ari ng baril na ginamit ng nasawi sa pagpapatiwakal ay pag-aari ng isa nilang kaanak. Hindi naman malinaw kung ano ang posibleng motibo sa isinagawa nitong pagpapatiwakal.