Abogado utas sa riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang abogado matapos tambangan ng hinihinalang hired killers na riding-in-tandem habang nagkakarga ng gas ang una sa isang gasoline station sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay SPO3 Niel Garnace ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police, limang tama ng bala sa mukha ang tinamo ng biktimang si Atty. Joel Discaller, 50, ng Brgy. Saint Ignacius Village sa lungsod.
Agad namang tumakas ang mga suspect pero nakuha naman ang plaka ng Honda Wave motorcycle na sinakyan ng mga ito na 5653-PI na ngayon ay target na ng pagtugis ng pulisya.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa isang gasoline station na matatagpuan sa #132 Katipunan Avenue, Brgy. Saint Ignacius Village ganap na alas-10:20 ng gabi.
Sakay ng kanyang kulay itim na Nissan Navarra (PIL-509) ang biktima at nagpapakarga ng gas sa naturang gasoline station nang biglang sumulpot ang mga suspect lulan ng motorsiklo at saka pinaulanan ng putok ng baril ang biktima. Matapos matiyak na napuruhan ang pakay ay mabilis na pumuga ang mga ito.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman ang pamamaril sa propesyon ng biktima patungkol sa mga hinawakan nitong kaso.
Ang insidente ay nakunan ng CCTV camera, gayunman pag-aaralan muna ng pulisya ang kuha para sa karagdagang pagsisiyasat na gagawin nila sa kaso.
- Latest
- Trending