Kaso ikakasa vs 3 'hulidap' cop

MANILA, Philippines - Sasampahan na ngayon ng kaso ang tatlong pulis na inireklamo ng TV/host na si Arnel Ignacio nang pangongotong matapos parahin ang kanyang sasakyan sa kahabaan ng C-5 Road, Pasig City nitong Marso 26 ng gabi.

Kinilala ang mga ito na sina PO3 Jose Levy Lagas, PO3 Neil Pono at PO1 Joel Lasala; pawang kasapi ng Highway Patrol Group-National Capital Region. Sinabi ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Spokesman Sr. Supt. Edwin Butacan na ang kasong robbery extortion laban sa tatlo ay kanilang isasampa sa San Juan Regional Trial Court (RTC).

Bukod sa kasong kriminal nahaharap rin sa kasong admi­nistratibo ang tatlo na kasalukuyang ‘restricted to custody’ sa kanilang tanggapan sa Camp Crame at namemeligrong madismis sa serbisyo. Ayon kay Butacan, hinihintay na lamang ng HPG ang testigo ni Ignacio para maisampa ang kasong kriminal laban sa tatlong pulis na inaakusahan nito.

Una ng ipinag-utos ang pagdidisarma sa tatlo matapos ireklamo ni Ignacio na nangotong umano sa kaniya ng halagang P100,000 na naibaba sa P50,000 matapos na akusahang smuggled­ ang kanyang behikulo.

Show comments