MANILA, Philippines - Isang sawa na may habang dalawang metro at nakaperwisyo na sa mga residente sa isang barangay sa lungsod Quezon ang dinala na sa Ninoy Parks and Wildlife matapos mahuli ng isang residente dito kamakalawa.
Ayon kay Willie Boreta ng Brgy. Tandang Sora, ang sawa ay nahuli ng isang alyas Boy Topak bago itinawag sa kanilang barangay. Sinasabing nakita ni Boy ang nasabing sawa sa isang imburnal ng Roque Drive ganap na alas-10:30 ng umaga pero tinuklaw siya nito kung kaya nagpasya na itong hulihin ito para hindi na makaperwisyo.
Nabatid na nagrereklamo na umano ang mga residente sa lugar dahil sa madalas na pagkawala ng kanilang mga alagang hayop partikular ang manok sa hindi mabatid na dahilan.
Ayon naman kay Armando Alcantara, miyembro ng Barangay Police Safety Officer (BPSO) may kalakasan umano ang sawa dahil mahigpit ang pagkakalingkis nito sa katawan niya nang kanyang kunin sa kulungan.