MANILA, Philippines - Matagumpay na nabawi mula sa kidnappers ang isang 14-anyos na dalagita sa ginawang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng Department of Justice-Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (IACAT), Anti-Human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation (NBI-AHTRAD), Presidential Anti-Crime Emergency Response (PACER) at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na dinukot noong Marso 27, 2011, sa Batasan Hills, Quezon City.
Matapos idulog sa Quezon City Police-Station 3 ipinarating ito sa DOJ-IACAT kaya’t kaagad na bumuo ng team na pinamunuan ni Assistant City Prosecutor Jonathan Lledo at AHTRAD na pinamumunuan ni Atty. Dante Bonoan.
Nabatid na bago ang operasyon, nakatanggap ng text message ang ina ng biktima hinggil sa ransom money na hinihingi ng hindi nakilalang mga suspect. Sa tulong ng PACER, na-trace ang pinagmulan ng message sa Tandang Sora, Quezon City at agad na ikinasa ang entrapment operation.
Pinapunta ng isa sa mga suspect ang ina ng biktima sa isang mall sa lungsod gabi noong Abril 2, 2011 at doon nagkaroon ng bayaran sa babaeng suspect na nasa edad ng 25 at natukoy din ang kinaroroonan ng biktima sa Upper Banlat, Tandang Sora.
Agad tinungo ang lugar kung saan nadakip din ang babaeng suspect at ang mister nito na nagsilbing look-out.
Bagamat hindi muna pinangalanan ng DOJ-IACT ang mga suspect, tiniyak nila na isinailalim na nila sa inquest proceedings sa paglabag sa Republic Act 9208 or the Anti-Human Trafficking in Persons Act at RA 7610 or Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang mag-asawa.