MANILA, Philippines - Isang 12-anyos na totoy na sumama sa pamamasada ng ama ang nasawi makaraang madaganan ng pampasaherong jeepney na minamaneho ng kanyang tatay matapos salpukin ito ng isang taxi bago tumagilid sa kalye ng Scout Ybardoloza sa lungsod Quezon kahapon.
Halos madurog ang bungo ng biktimang si Raymond Alabo, dahil sa matinding pagkakadagan ng jeepney sa kanyang ulo na siyang dahilan upang agad itong masawi sa lugar.
Bukod kay Alabo, sugatan naman ang kanyang tatay na si Gaspar Alabo, 48, at mga pasaherong sina Marielle Presidente, 27, Edgar Gomez, 38, at George Gutierrez, 28, pawang mga nagtamo ng mga galos at sugat sa kanilang mga katawan.
Sumuko naman sa himpilan ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police ang taxi driver na si Reynaldo Carmona, 51, ng Pangilinan Subdivision, Marikina City.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Henry Luna, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Sct. Ybardoloza St., corner Sct. Rallos St. Brgy. Sacred Heart sa lungsod ganap na alas 5:30 ng umaga.
Sinasabing minamaneho ni Mang Gaspar ang kanyang PUJ (TXJ-540) sakay ang kanyang anak at tinatahak ang Sct. Ybadoloza galing sa direksyon ng Kamuning nang pagsapit sa Sct. Rallos St., patungong Timog Avenue, ay biglang sumulpot ang matuling takbo ng taxi na minamaneho ni Carmona at salpukin ito.
Ayon sa ulat, sa lakas ng impact tumalsik papalabas ng jeepney ang bata, saka lumagapak sa kalsada, ngunit pagkalapag nito ay tiyempo namang bumagsak sa kanya ang nasabing sasakyan at nadaganan ito.
Sinasabing nagpumilit umanong sumama ang bata sa kanyang tatay sa pamamasada dahil bakasyon naman ito sa eskwela, subalit sinapit nila ang naturang trahedya.
Tumagal ng halos ilang minuto bago tuluyang maialis sa pagkakadagan ng sasakyan ang biktima, saka ito isinugod sa East Avenue Medical center kasama ang ilang sugatan, pero wala na rin itong buhay.
Inihahanda na ang kaso laban sa driver ng taxi.