2 holdaper huli ng hinoldap na pulis
MANILA, Philippines - Mag-isang naaresto ng isang bagitong pulis ang dalawa sa tatlong holdaper na nagdeklara ng holdap sa sinasakyan niyang pampasaherong jeep, kahapon ng madaling araw sa Parañaque City. Nakilala ang mga nadakip na sina Crismon Castillo, 24, at isang 15-anyos na menor-de-edad na itinago sa pangalang Ron, kapwa naninirahan sa Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ang nakatakas nilang kasamahan na nakilalang alyas “Japok”. Naaresto ang dalawa ng pulis na si PO1 Reynaldo Daming, 32-anyos, nakatalaga sa Southern Police District matapos na tangkaing biktimahin ang pampasaherong jeep (PYV-916) na minamaneho ni Reynaldo Sisa. Sa ulat ng Parañaque police, lulan ang pulis na si Daming at iba pang pasahero ng naturang jeep nang magdeklara ang mga suspek ng holdap dakong alas-3:05 ng madaling-araw habang binabagtas ang Ninoy Aquino Avenue, Brgy. San Dionisio.
Naglabas ang mga suspek ng patalim at uumpisahan nang limasin ang mahahalagang gamit ng mga pasahero nang manlaban si Daming agad itong nakabunot ng kanyang baril kung saan napaputukan ang suspek na si Ron na tinamaan sa kaliwang braso habang nagkanya-kanyang takbuhan ang dalawang kasamahan nito. Itinuloy naman ni Daming ang paghabol sa mga suspek kung saan nakorner nito ang suspek na si Castillo. Agad namang isinugod sa ospital ng mga awtoridad ang nabaril na suspek habang idiniretso si Castillo sa presinto na nahaharap ngayon sa kasong robbery hold-up.
- Latest
- Trending