MANILA, Philippines - Makaraan ang ilang araw na pagtatago, hawak na muli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing recruiter ng isa sa tatlong Pinoy na binitay sa China noong nakaraang Miyerkules.
Kamakalawa ng gabi nang dalhin sa NBI head office sa United Nations Avenue, Manila ang recruiter na si Mapet Cortez alyas “Tita Cacayan”.
Sinabi ni Cacayan na kusa siyang sumuko dahil kahit noong hindi pa nabibitay si Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain ay nakakatanggap na siya ng death threats kaya’t mas pinipili niyang mailagay sa protective custody ng NBI dahil sa pangamba sa kanyang buhay.
Aminado si Cacayan na nagproseso siya ng papeles ni Sally sa pag-aabroad subalit itinanggi pa rin na responsable siya at may kaugnayan sa sindikato ng iligal na droga na dahilan upang makumpiskahan si Sally ng Chinese authorities.
Nilinaw din ng NBI na mismong si Cacayan ang humiling na mapasakamay ng ahensya at hindi ito nagtatago.
Sa kasalukuyan, nahaharap sa mga kasong large-scale illegal recruitment at violation of the Anti-Trafficking in Persons Act of 2008 si Cacayan sa Department of Justice (DOJ) kung saan isinasagawa ang preliminary investigation.
Nabatid din na walang warrant of arrest ang pagdadala kay Cacayan sa NBI dahil hindi pa naman sumasampa sa korte ang kaso.
Kamakalawa ay nagpalabas na ng watchlist order ang Bureau of Immigration laban kay Cacayan sa kahilingan ni Justice Secretary Leila De Lima upang hindi ito makalabas ng bansa.