Warden ng QC jail nasa 'hot water'
MANILA, Philippines - Isasailalim ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) director Rosendo Dial sa masusing pagsisiyasat ang warden ng Quezon City jail at duty officer dito matapos na pumutok ang ulat na binibigyan nila ng special treatment ang road rage suspect na si Jason Ivler sa kanyang selda.
Ayon kay Dial, pinagsusumite na umano niya ng ulat ang jail warden ng Quezon City jail na si Senior Supt. Hernan Grande para sa gagawing imbestigasyon upang malaman ang katotohanan sa nasabing isyu.
Inamin ni Dial na nakausap na umano niya si Grande at itinanggi ang isyu, subalit kailangan umanong linawin niya ito at kapag napatunayang totoo ang ulat ay maaaring masibak ito sa puwesto.
Kumalat sa internet ang mga larawan at video clips ni Ivler na nagpapakita ng VIP treatment na nalalasap nito sa loob ng kulungan. Nariyan ang nagpapakitang tila nasa kasayahan si Ivler kasama ang ilang barkada at mga babae sa loob ng Quezon City jail.
Si Ivler ang itinuturong pumatay kay Renato Victor Ebarle Jr. noong 2009, anak ng dating Presidential Management Staff na si Victor Ebarle Jr.
Sa panig ng abogado ng pamilya Ebarle na si Atty. Amelita Garayblas, ang insidente ay paglabag sa regulasyong ipinapatupad ng Bureau of Jail Management and Penology.
Samantala, todo tanggi rin si Ivler hinggil sa special treatment na ibinibigay sa kanya ng BJMP dahil parehas anya ang trato sa kanila sa loob ng piitan.
- Latest
- Trending