MANILA, Philippines - Dinisarmahan kahapon ang tatlong tauhan ng Highway Patrol Group matapos ireklamo ng TV host na si Arnel Ignacio na nangotong at kumuha sa kanyang sasakyan sa Pasig City.
Si Ignacio ay personal na nagsumbong kay HPG director Chief Supt. Leonardo Espina para ireklamo ang mga suspect na agad namang nag-utos sa pagdisarma sa tatlong pulis na kinilalang sina PO3 Jose Levay Gas, PO3 Neil Pono at PO1 Noel Lazala ng HPG-NCR.
Sa salaysay ni Ignacio, nangyari ang insidente noon pang gabi ng Marso 26 sa kahabaan ng Julia Vargas, Pasig City kung saan ay sakay ang naturang mga pulis ng mobile 895 kasama ang isang babaeng nakilalang si Lulu Paraoan.
Pinara umano ng tatlong parak ang kanyang sasakyang kulay puting Porche 996 na inakusahang smuggled dahil nabili niya ito sa Subic Bay sa kabila ng pagpapakita niya ng mga lehitimong dokumento na legal ang pagbili ng naturang modelong sasakyan.
Ayon kay Ignacio, hiningan din siya ng P100,000 ng nasabing mga pulis bilang kabayaran umano sa kanyang multa para hindi ma-impound ang naturang sasakyan.
Dahilan sa nilikhang abala ay napilitan si Ignacio na magbayad ng P50,000 kung saan ay sa kanyang sasakyan pa ang mga ito sumakay para kumuha ng pera sa bahay ng TV host.
Idinagdag pa ni Ignacio na amoy alak umano ang mga pulis at binaligtad pa siya ng mga ito sa komprontasyon sa tanggapan ng HPG na siya raw ang lasing.