MANILA, Philippines - Narekober ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang kinarjack na mamahaling sports utility vehicle (SUV) na tinangay mismo kay Commission on Audit chairman Reynaldo Villar sa BF Homes, ng naturang lungsod.
Sa ulat na ipinadala ng Parañaque police, dakong alas-4:30 ng Miyerkules ng hapon nang matagpuan ng mga pulis ang inabandonang puting Toyota Fortuner (ZRV-924) sa may F. Cruz, Aguirre Avenue, BF Homes Subdivision, sa naturang lungsod.
Nasa kustodiya na ngayon ng Parañaque police ang naturang behikulo kung saan ipinaalam na kay Villar ang pagkakarekober nito.
Sa kabila nito, bigo naman ang pulisya na mahabol at maaresto ang nag-iisang carjacker na maaaring naalarma at natakot nang mabatid na isang mataas na opisyal ng pamahalaan ang kanilang nabiktima kaya inabandona ang sasakyan sa naturang lugar din kung saan isinagawa ang krimen.
Matatandaan na kagagaling lamang sa isang restoran sa Aguirre St., BF Homes ni Villar dakong alas-10:30 ng Martes ng umaga nang itulak ito papasok sa naturang sasakyan ng nag-iisang suspek at inutusan pa siya na imaneho ang behikulo. Ibinaba si Villar ng suspek hindi kalayuan bago tinangay ang sasakyan.
Nabatid na naiwan ni Villar sa loob ng behikulo ang P80,000 cash, camera at ilang mamahaling Barong Tagalog na hindi pa mabatid kung narekober din ng mga pulis.