MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa mga nakamit na karangalan, magbibigay ng regalo at pera si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa mga graduate na may honor sa mga pampublikong paaralan ng siyudad.
Personal na iaabot ni Tiangco sa mga magsisipagtapos sa kanilang graduation day ang halagang P1,000 sa class valedictorian kabilang na rito ang plake at regalo habang mabibigyan din ang mga nagkamit ng iba pang karangalan.
Sa rekord ng lokal na pamahalaan, aabot sa 8,000 estudyante ang magsisipagtapos ngayon sa 15 public elementary schools at 6 na public high schools sa buong lungsod.
Ayon pa kay Tiangco, ang pagbibigay ng scholarship sa magagaling na estudyante ay bilang pagpapakita ng suporta ng lokal na pamahalaan sa mga masisipag na kabataan habang ang pagpili naman sa mga gurong mabibigyan ng libreng pag-aaral ay upang magkaroon ang mga ito ng dagdag na kaalaman na kanilang maituturo sa kanilang mga mag-aaral.