MANILA, Philippines - Matinding trapik ang idinulot sa ilang mga lugar sa Quezon City, partikular sa may Quezon Memorial Circle, Quezon Avenue hanggang sa Mabuhay Rotonda sa naturang lungsod bunsod ng isinagawang transport caravan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), kahapon ng umaga.
May 500 sasakyan ang nakiisa sa naturang caravan ng Piston upang iprotesta ang walang puknat na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo at pagbabasura ng Malakanyang sa oil deregulation law na siya umanong ugat ng hindi mapigilang oil price hike.
Kaugnay nito, sinabi ni Piston Secretary General Goerge San Mateo na hindi pagsuspinde o pagkansela sa prangkisa ng mga nagsagawa ng caravan ang dapat maging banta ng LTFRB laban sa kanilang hanay kundi dapat ay kilalanin ng ahensiya ang kanilang karapatan na maihayag ang saloobin laban sa walang puknat na oil price hike.
Anya, hindi na makayanan pa ng isang driver na makapamuhay nang maayos dahil sa hirap ng estado ng buhay ngayon at sa epektong dinulot sa kanila ng pagtaas ng halaga ng diesel at gasolina.