MANILA, Philippines - Inatras na mismo kahapon ni dating Manila Mayor Lito Atienza ang kanyang ‘cash deposit’ kaugnay sa electoral protest nito sa Commission on Elections (Comelec) sa nakalipas na eleksyon.
Ito’y makaraang maghain ng motion to withdraw si Atienza sa kanyang P10 milyong cash deposit na nakatakda sanang gamitin para sa gastusin ukol sa kanyang hiling na recount sa mga boto matapos matalo ni Manila Mayor Alfredo S. Lim.
Nakasaad sa mosyong inihain ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Atienza na kanya nang pinapatanggal ang nasabing pondo na nakadeposito pa noong August 16, 2010.
Hiling din ni Atienza ang official copy ng disbursements na ginawa mula sa kabuuang halaga ng pera na kanyang cash deposit.
Sa panig naman ni Lim, sinabi ng kanyang legal counsel na si dating Justice Rodolfo Palattao, mas maiging matapos na ang recount sa lalong madaling panahon.
“Kung maari nga, 24 oras gawin ang bilangan maski three shifts, basta matapos lang kaagad. Ke manual o automated, walang diperensiya basta’t matapos na ang kalokohan na ito,” ani Palattao.
Si Atienza ay nakakuha ng botong 181,094 kumpara kay Lim na mayroong boto na 395,910.
Una na ring, ibinasura ng Comelec ang petition for disqualification na inihain ni Atienza laban kay Lim dahil sa kawalan ng merito.