2 kawani ng towing services huli sa entrapment
MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng dalawang empleyada ng isang towing services matapos na arestuhin ng mga operatiba sa isang entrapment operation dahil sa iligal na pangongolekta ng bayad sa isang driver na nahatakan nila ng truck sa lungsod Quezon, kahapon.
Kinilala ni Chief Insp. Ritchie Claraval, hepe ng Quezon City hall detachment ang mga suspect na sina Leny Perez, 32, at Anna Santos, 34, caretaker na pawang empleyado ng Owleye Hauling Services na matatagpuan sa B128 L14, Mindanao Ave., Brgy. Greater Lagro District 2 sa lungsod.
Ayon kay Claraval, ang entrapment operation ay ginawa dahil sa reklamo ng biktimang si Jolly Vicente, 35, truck driver ng Adrian St., corner Commonwealth Ave., North Fairview sa lungsod.
Inireklamo ni Vicente ang panghihingi ng kabayaran ng nasabing towing services matapos na hatakin ang kanyang unit na ELF truck (TFV-290) habang nakaparada sa may Chestnut St., Fairview sa lungsod.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nahatak ang sasakyan ni Vicente nang pansamantalang iparada nito ang kanyang truck kasama ang dalawang helper sa may naturang lugar ganap na ala-1 ng hapon.
Sinabi ni Vicente, nagpasya silang pumarada matapos na mapuna niya ang air cleaner tube nito ay nag-loose. Habang kinukumpuni ang nasabing aberya ng truck ay biglang sumulpot ang isang towing truck at isa sa sakay nito ang biglang sumakay sa driver’s seat at pinaandar patungo sa kanilang impounding area.
Dito ay humingi sina Perez at Santos ng bayad para mai-release ang kanyang truck. Sa puntong ito nagpasya si Vicente na humingi ng saklolo sa pulisya at agad na isinagawa ang entrapment operation at dinampot ang dalawa.
Bukod sa dalawa ay pinaghahanap pa ang mga kasamahan nitong sina Rodney Sanchez, driver; Edward Santiago; Michael Padua; Cristopher Cruz; Jun Tisoy; at George Morato na kabilang sa humatak sa truck ng biktima.
Narekober ng mga awtoridad ang tatlong piraso ng P3,000, isang official receipt, towing impounding operation checklist, at isang unit ng towing truck (TXJ-153).
Kasong paglabag sa SP-1260 at SP-2000 ang kinakaharap ng dalawang suspect.
- Latest
- Trending