Driver hinoldap na, pinatay pa

MANILA, Philippines -  Isang taxi driver ang pinagbabaril at napatay ng tatlong holdaper ka­hapon ng madaling-araw, sa Tondo Maynila.

Nakilala ang biktima na si Francisco Nepacina, 36, ng Longos, Ma­labon City, driver ng Face Taxi sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Kinilala ang dalawa sa mga suspect sa pa­ngalang Jayson at Maki na sinasabing kilabot na holdaper sa lugar.

Ayon sa ulat, da­kong alas-3:30 ng madaling-araw nang na­ ganap ang panghoholdap sa kahabaan ng Road 10 malapit sa Herbosa St., Tondo.

Ayon sa ilang saksi, pinara ng mga suspect ang minamanehong taxi ng biktima sa harapan ng Pier 18 subalit pagdating sa nasabing lugar ay narinig ng mga barangay tanod na sumisigaw ang biktima at humihingi ng tulong.

Rumesponde ang mga tanod subalit hindi na naabutan ang mga suspect at sa halip ang duguang biktima na lamang ang kanilang nakita.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang tiyan at dalawang saksak sa kanang balikat at kili-kili na na­ging dahilan ng kanyang kamatayan.

Tinangay din ng mga holdaper ang buong mag­hapong kita ng nasawi.

Show comments