2 miyembro ng gang, utas sa loob ng presinto

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng “Sputnik” at “Teardrops Gang” ma­tapos mang-agaw ng baril ng pulis habang isi­­nasailalim sa interogas­yon sa loob ng MPD-Police Station 6, kahapon ng madaling araw sa Sta.Ana, Maynila.

Dead-on-the-spot si Russel Tacsagon, 18,   ng Sta. Ana, Maynila, ha­bang idineklara namang dead on arrival sa Ospital ng Sta. Ana si Jeffrey­ Camposano,19.

Ayon kay P/Insp. Armando Macaraeg, hepe ng MPD-homicide division nagtamo ng tama ng bala sa sentido si Tacsagon, habang sa dibdib at tiyan si Camposano.

Sa initial report, dakong alas-12:05 ng madaling araw nang maga­nap ang insidente sa loob mismo ng Investigation Unit ng MPD-PS 6.

Nauna rito, inaresto ng mga pulis sa panulukan ng Tejeron at Zamora Sts., Sta.Ana sina Tacsagon at Camposano dahil na rin sa reklamo ng isang Exequiel Brown na tinangkang  patayin ng mga ito. Nahulihan din ng pen gun at marijuana ang mga suspect.

Habang nagkakaroon ng komprontasyon ang complainant at ang mga suspect biglang inatake nina Tacsagon at Camposano ang isang pulis na si PO1 Jesus Mar­tinez, at inagaw ang ser­vice firearms ng huli.

Nakita umano ni PO3 Erwin Solanio, ang ginawang pag-agaw ng baril ni Tacsagon na isang mapanganib na aksiyon kaya napilitan ito na barilin ang huli na tinamaan sa sentido. Sa kabila nito hindi pa rin tumigil si Camposano kung kaya’t binaril din ito ni Solanio.

Show comments