2 miyembro ng gang, utas sa loob ng presinto
MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng “Sputnik” at “Teardrops Gang” matapos mang-agaw ng baril ng pulis habang isinasailalim sa interogasyon sa loob ng MPD-Police Station 6, kahapon ng madaling araw sa Sta.Ana, Maynila.
Dead-on-the-spot si Russel Tacsagon, 18, ng Sta. Ana, Maynila, habang idineklara namang dead on arrival sa Ospital ng Sta. Ana si Jeffrey Camposano,19.
Ayon kay P/Insp. Armando Macaraeg, hepe ng MPD-homicide division nagtamo ng tama ng bala sa sentido si Tacsagon, habang sa dibdib at tiyan si Camposano.
Sa initial report, dakong alas-12:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob mismo ng Investigation Unit ng MPD-PS 6.
Nauna rito, inaresto ng mga pulis sa panulukan ng Tejeron at Zamora Sts., Sta.Ana sina Tacsagon at Camposano dahil na rin sa reklamo ng isang Exequiel Brown na tinangkang patayin ng mga ito. Nahulihan din ng pen gun at marijuana ang mga suspect.
Habang nagkakaroon ng komprontasyon ang complainant at ang mga suspect biglang inatake nina Tacsagon at Camposano ang isang pulis na si PO1 Jesus Martinez, at inagaw ang service firearms ng huli.
Nakita umano ni PO3 Erwin Solanio, ang ginawang pag-agaw ng baril ni Tacsagon na isang mapanganib na aksiyon kaya napilitan ito na barilin ang huli na tinamaan sa sentido. Sa kabila nito hindi pa rin tumigil si Camposano kung kaya’t binaril din ito ni Solanio.
- Latest
- Trending