'Murang gamot' para sa mga marino
MANILA, Philippines - Good news para sa mga Pinoy seafarers at sa mga pamilya nito.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin sa bansa partikular ang presyo ng gamot dahil na rin sa pagsirit ng presyo ng krudo, isang programa ang inilunsad ng Luneta Seafarers’ Welfare Foundation Inc., (LUSWELF) kaugnay sa kampanya sa murang gamot.
Ayon kay Alfred Yulo, tumatayong tagapagsalita ng LUSWELF, nakatakdang buksan ng kanilang grupo ngayong darating na Biyernes (April 1) ang Marino Drug, kung saan layon nito na makabili ng murang gamot ang publiko partikular na ang mga marino, gayundin ang pamilya nito.
Iginiit ni Yulo na malaking tulong aniya ang naturang proyekto para sa Pinoy seafarers’. “Alam naman natin na sa panahon ngayon ay talagang halos lahat sa ating mga bilihin ay nagmamahal partikular na ang gamot. Kaya naisip ng management ng LUSWELF na ganitong paraang makakatulong ang aming grupo sa mga Marinong Pinoy,” paliwanag ni Yulo.
Kabilang sa mga gamot na maaaring mabili sa Marino Drug na bukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng gabi ay ang mga gamot na kalimitang kinakailangan ng mga marino higit lalo na kung ang mga ito ay nasa kasagsagan ng kanilang pag-a-apply at pagpo-proseso ng kanilang mga requirements tulad ng sa lagnat at ubo, uric acid, herbal medicine at iba pang ‘over the counter medicine o mga gamot na hindi na kinakailangan pa ng reseta ng doktor.
Ang LUSWELF ay isang organisasyon na patuloy na tumutulong at nagbibigay ng maayos na pasilidad sa mga marinong Pinoy simula noong 2007 upang mapadali ang pag-a-apply nito ng trabaho sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa mundo sa pamamagitan ng kanilang one-stop-shop center sa kahabaan ng T.M. Kalaw, corner Ma. Orosa streets, Ermita, Manila.
- Latest
- Trending