MANILA, Philippines - Umaabot sa 120 tauhan ng Muntinlupa City Hall ang inirekomendang sibakin makaraang matagpuang gumagamit ng iligal na droga sa isinagawang random drug tests ng Drug Abuse and Prevention and Control Office (DAPCO).
Sinabi ni DAPCO chief, Dr. Raquel Tolentino na hindi lang mga “contractual” ngunit maging mga regular na empleyado sa iba’t ibang opisina ang kanilang inirekomendang sibakin. Maaari pa umanong umakyat ang bilang dahil sa hindi pa tapos na makalap ang buong resulta ng ginawang random drug tests.
Ibinase ang pagpapasibak sa isinasaad ng regulasyon ng Civil Service kung saan sinumang tauhan ng pamahalaan na madidiskubreng gumagamit ng iligal na droga ay maaaring masuspinde o masibak sa trabaho.
Inatasan rin ni Mayor Aldrin San Pedro ang kanilang personnel office na magsagawa ng evaluation sa mga records sa serbisyo ng lahat ng kanilang mga tauhan upang matukoy ang mga empleyado na hindi ginagampanan ang trabaho para mapatawan ng karampatang parusa.