MANILA, Philippines - Magkakaloob ng libreng sakay ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para ipantapat sa nakaambang tigil pasada ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na ikinasa sa Huwebes, Marso 31.
Ayon kay Sonia del Mundo, tagapagsalita ng LTFRB, ngayon pa lamang ay nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa Metro Manila Development Authority (MMDA), local government units (LGUs) at AFP para ihanda ang mga government vehicle na aayuda sa panahon ng transport strike ng Piston.
Sinabi pa ni del Mundo na hindi masyadong mapaparalisa ang transportasyon sa planong tigil pasada dahil may alternatibong sasakyan pa ang mga commuter gaya ng bus, taxi at mga FX.
Una nang nagbanta ng welga ang Piston sa Huwebes upang ipakita sa pamahalaang Aquino ang matinding pagkondena sa kawalang aksiyon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na lubhang nagpapahirap sa mamamayan.