Kotse bumangga sa puno: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang pasahero habang da­lawa pa ang sugatan makaraang sumalpo­k ang sinasakyan nilang Honda Civic sa puno ng acacia na tumagilid at nagpaikut-ikot hanggang sa tumaob sa may Quirino Highway sa lungsod Quezon.

Ayon kay PO1 Anthony Jasper F. Alorro, ng District Traffic Enforcement Unit ng QCPD, dead-on-the-spot si Albert Bernardo, 24, may-asawa ng B2, L2 Arcadia St., North Olympus samantalang sinugod naman sa malapit na ospital ang kasama nito na sina Dennis Soliman, ng Maligaya Park Subd., Bgy. Pasong Putik, Novaliches at isang hindi natukoy na biktima.

Ayon kay Alorro, nangyari ang aksidente sa may Quirino Highway ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.

Diumano, minamaneho ni Soliman ang Honda Civic (TLX-333) sakay ang dalawa pang kasamahan nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang sumalpok ito sa puno ng acacia at tumaob. Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments