MANILA, Philippines - Nangangamba si Manila City Administrator Jesus Mari Marzan na posibleng mawala o mabura sa mapa ang Baseco sa Tondo, Maynila sakaling magkaroon ng tsunami.
Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Marzan ito na rin ang kanilang dahilan kung kaya’t naghahanda na rin sila laban sa tsunami kung saan nakikipag-ugnayan na sila sa mga barangay chairman sa lugar upang mabigyan ng kaukulang impormasyon ang mga residente sa Baseco na direktang maapektuhan ng tsunami.
Ipinaliwanag ni Marzan na kailangan na handa ang mga residente sa kanilang gagawin at pupuntahan kung dadanasin ng Pilipinas ang sinapit ng Japan.
Ayon kay Marzan, batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) posibleng dalawa hanggang apat na metro ang taas ng tsunami na manggagaling sa Manila Bay.
Gayunman naniniwala din si Marzan na kailangan pa rin ang matinding dasal upang hindi ito sapitin ng bansa.
Giit naman ni City Building Officials, Engr. Melvin Balagot, na ito ang dahilan kung kaya’t hindi pinapayagan ang sinuman na tumira malapit sa baybayin o breakwaters.
Samantala, sinabi din ni Balagot na aabot sa 20 mga gusali sa Maynila ang dapat nang idemolish at ngayo’y nakaapela sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Aniya, ang mga gusali ay matatagal nang delikado sa publiko kaya’t dapat lamang na magiba bilang bahagi ng precautionary measure na rin laban sa lindol.
Bukod dito, magsasagawa naman ng inspeksiyon ngayong bakasyon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyanteng nanunuluyan sa mga dormitory.
Ayon sa dalawang opisyal, binigyan sila ng direktiba ni Manila Mayor Alfredo Lim na siguraduhin na ligtas sa lindol, sunog at tsunami ang mga dormitory .
Gayundin dapat umanong maayos ang istraktura ng dormitory, fire exit, ventilation at sanitation.
Tiniyak naman ni Marzan na irerekomenda nila ang pagpapasara sa mga dormitory na mapapatunayan na may paglabag sa Building Code.