MANILA, Philippines - Isang manhunt operation ang ikinasa ng Manila Police District (MPD) laban sa isang ‘baby kidnapper’ kasunod ng utos ni MPD Director Roberto Rongavilla .
Ayon kay Rongavilla, posibleng nasa Metro Manila lamang ang suspect na si Melogine Jarasa, alyas “Melon”, nasa 40-anyos, may taas na 5’1’’ hanggang 5’2’’ na tumangay sa 3-day old baby ni Marjorie Angoy Francisco, 37.
Matatandaang dumulog sa pulisya si Francisco noong Marso 24, 2011 makaraang maglaho ang suspect bitbit ang kanyang isinilang na beybi sa Ospital ng Sampaloc.
Dakong alas-5:00 ng hapon sa nabanggit na petsa nang ma-discharge na sa pagamutan ang ginang at habang dala ang sanggol ay nakiusap siya sa suspect na bigyan siya ng tubig bago tuluyang magbiyahe at nang kargahin umano ang sanggol ay pinilit siyang umihi muna.
Nang lumabas siya sa comfort room ng RCJ bus hindi na niya nakita ang beybi at suspect.
Dahil sa panlulumo, tinulungan siya ng mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na magsuplong sa MPD headquarters.