MANILA, Philippines - Aabot sa P150,000 reward ang inilaan sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay impormasyon sa killers ng lady broadcaster sa Malabon City kamakalawa ng umaga.
Nabatid na magbibigay ng P100,000 si Malabon City Mayor Canuto Oreta habang P50,000 naman ang ibibigay ng National Press Club (NPC) at Alyansa ng mga Filipinong Mamamahayag (AFIMA) para sa ikadarakip sa killer ni Marlina “Len” Flores-Somera ng DZME.
Matatandaan, na dakong alas-9:45 kamakalawa ng umaga nang barilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek ang biktima habang naglalakad malapit sa kanilang bahay sa Silonian St., Brgy. Maysilo ng nabanggit na lungsod.
Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela General Hospital ang biktima na tinamaan sa batok na tumagos sa kaliwang mata.
Bukod sa pagiging anchorwoman sa radyo, presidente rin ng Silonian Neighborhood Association si Somera.
Samantala, isang sindikato na may koneksyon sa pang-aagaw ng lupa ang sinisilip na sangkot sa pagpaslang sa broadcaster.
Sinabi kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo na base sa kanilang paunang pagsisiyasat isa umanong sindikato na sangkot sa pang-aagaw ng lupa ang nag-ooperate sa palibot ng CAMANAVA area ang posibleng may pakana sa pagpaslang.
Sinabi ni Robredo na base sa inisyal na imbestigasyon ang naturang grupo anya ang siyang nakikialam at nananakot sa mga asosasyon upang maangkin ang karampot na lupang nais nilang makamkam mula sa mga ito.
Kasunod nito, inamin ni Robredo na may task force na binuo ang kanyang tanggapan na magsisiyasat ng malaliman sa kaso ni Somera dahil hindi lamang basta simpleng problema ang ugat nito kundi nasasangkot din ang iba pang asosasyon na gumagalaw sa CAMANAVA area na maaring pinakikialaman din ng naturang sindikato.
Nilinaw pa ng Kalihim na lumalabas na walang kinalaman ang isyu ng pagiging mamamahayag ni Somera sa insidente kundi ang tungkulin nito bilang pangulo ng asosasyon sa kanilang lugar na lumalaban sa karapatan nila sa lupa.
Si Somera, 44, pangulo ng Silonian Neighborhood Association (SNA) ay tinambangan ng dalawang armadong suspect habang naglalakad sa kahabaan ng Silonian St., Brgy. Maysilo Malabon City ganap na alas-9:45 Huwebes ng umaga.