4 schools sa MM, ipa-padlock ng DepEd
MANILA, Philippines - Dalawang paaralan sa Quezon City, isa sa Malabon at isa sa Maynila ang tuluyan nang ipa-padlock ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) at hindi na ipapagamit sa mga estudyante sa darating na summer class at sa pagbubukas ng school year 2011-2012.
Tinukoy ni Engr. Oliver Hernandez, chief ng Physical Facilities and Schools Engineering Division ng DepEd ang apat na paaralan ay ang Bagong Silangan Elementary School, Bagong Silangan High School sa Fairview, Quezon City, Concepcion Elementary School sa Malabon at T. Alonzo High School sa Maynila.
Ayon kay Hernandez ang dalawang school building sa Quezon City ay una ng natukoy na nasa itaas ng aktibong ‘West Valley Fault Line” habang ang sa Malabon at Maynila ay idineklara ng “condemned building” matapos makitaan ng malalaking bitak ang mga pader ng mga ito matapos inspeksiyunin.
Layunin ng DepEd na hindi makompromiso at masakripisyo ang buhay ng mga guro at mag-aaral sa apat na nabanggit na paaralan kaya isasara na lamang ang mga ito.
Nabatid na may kabuuang 11,000 mag-aaral ang Bagong Silangan Elementary at High School na ngayon ay hinahanapan na ng DepEd at lokal na pamahalaan ng Quezon City ng kanilang malilipatang paaralan.
- Latest
- Trending