MANILA, Philippines - Patay ang isang lady broadcaster matapos itong barilin ng isa sa dalawang hindi nakilalang kalalakihan habang ang una ay papasok para sa kanyang programa sa radio sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) ang biktimang si Len Flores-Somera, 44, anchorwoman ng DZME at kasalukuyang presidente ng Silonian Neighborhood Association (SNA), ng Silonian St., Brgy. Maysilo ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa batok na tumagos sa kaliwang mata.
Sa nakalap na report sa Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng umaga sa kahabaan ng Silonian St., Brgy. Maysilo ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima sa naturang lugar papunta sa kanyang trabaho sa Victory Mall sa Monumento, Caloocan City para sa programa nito na magsisimula dakong alas-10:30 hanggang 12:00 ng tanghali, ng bigla na lamang itong lapitan ng dalawang lalaki na armado ng baril.
Walang sabi-sabing binaril nang malapitan ng isa sa mga suspek ang biktima dahilan upang agad na bumulagta ito.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang ang biktima naman ay mabilis na isinugod sa pagamutan, subalit hindi na umabot pang buhay.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung ano ang motibo ng insidente habang inaalam pa kung may kinalaman sa trabaho ni Somera ang ginawang pagpatay dito.
Tinitingnan pa ng pulisya kung may kinalaman din ang naganap na pagpatay sa matinding pagbatikos nito patungkol sa may 4.2 ektaryang lupain sa Silonian na kanilang ipinaglalaban.