MANILA, Philippines - Gumawa na naman ng eksena sa Quezon City court ang nanay ni road rage Jason Ivler na si Marlene Aguilar sa pagpapatuloy nang pagdinig sa kaso ng kanyang anak kahapon sa sala ni QC-RTC branch 219 Judge Bayani Vargas.
Nagsisisigaw at hinamon pa ni Aguilar si Judge Vargas na sila ay magsuntukan.
Sa pagkakataong ito, humingi na lamang ng dispensa kay Judge Vargas ang kampo ni Ivler pero di ito tinanggap ng hukom at tuluyang pinalabas ng court room si Aguilar.
Ang pagwawala ni Aguilar ay nagsimula nang hindi pumayag ang panig ng prosekusyon sa pangunguna ni Senior State Prosecutor Anthony Fadullon sa kahilingan ng kampo ni Ivler na huwag na lamang itong dumalo sa mga pagdinig ng korte sa kaso dahil hindi naman anila ito kailangan at pabalik-balik lamang ito sa kanyang selda na maaaring makaapekto sa sugat.
Binigyang diin ni Fadullon na kailangan pa ring dumalo sa pagdinig ng korte si Ivler upang kilalanin si SPO2 Edgar Teodin na tetestigo sa kaso para sumailalim sa cross examination ng korte.
Nairita din si Fadullon sa inasal ni Aguilar at sinabi nitong kapag ganoon palagi ang gagawin ng huli ay maaaring maantala ang hearing sa kaso.
Gayunman, pinagbigyan na lamang ni Judge Vargas ang kahilingan ng kampo ni Ivler na hindi ito makapunta sa korte para manahimik na ang kampo ng huli at umusad na ang kaso.