778 school buildings guguho
MANILA, Philippines - Pinangangambahan ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang posibleng pagguho ng may kabuuang 778 na school building makaraang makitaan ng ibat-ibang sira o pagiging depektibo ng mga ito kapag nagkaroon ng malakas na lindol sa bansa.
Ayon kay Engr. Oliver Hernandez, Chief ng Physical Facilities and School Engineering Division ng DepEd, ang 107 sa mga nabanggit na paaralan ay nasa Metro Manila at 671 naman ang nasa probinsiya.
Sa summary inspection report ng DepEd, lumilitaw na sa National Capital Region (NCR), ay ang bayan ng Pasig ang may kabuuang 28 paaralan ang kinakitaan ng “structural defects”; 23 sa Muntinlupa; 10 sa Pateros, 10 rin sa Pasay; 6 sa Maynila; 6 din sa Parañaque; 5 sa Las Piñas; tig-tatlo sa Marikina, Quezon City, Valenzuela at isa sa Makati.
Sa probinsiya naman ay ang Caraga Region na may kabuuang 81 paaralan na kinakitaan ng maraming depektibo, sumunod ang Region 12, Region 6 at Cordillera Autonomous Region (CAR).
Sinabi ni Hernandez, karamihan sa mga school building na kinakitaan nilang may sira ay matagal nang naitayo na umaabot sa 25 taon pataas.
Inamin ni Hernandez, na nangangailangan ng P20-bilyon ang DepEd para lamang maisaayos ang mga nabanggit na depektibong paaralan.
Sa ngayon, aniya ay mayroon lamang na P500-milyon na nakalaan na pondo ang DepEd taun-taon para tustusan ang pagkukumpuni sa mga nabanggit na sirang paaralan.
“Inaamin namin na walang pondo ang DepEd para magawa lahat ang mga paaralan na may sira kaya kami patuloy na nananawagan sa ibat-ibang NGO’s na kami ay tulungan”, ani Hernandez.
- Latest
- Trending