4 dayuhan ginagamit ang mga Pinoy bilang drug couriers, timbog

MANILA, Philippines - Natimbog ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang African, isang Nigerian at isang Botswanian nationals na umano’y pawang miyembro ng sindikato ng credit card at dawit sa pagpapadala ng mga Pinoy sa ibang bansa na ginagamit na drug courier sa isinagawang operasyon sa Bacoor, Cavite, iniulat kahapon.

Iprinisinta sa media kahapon nina Vice President Jejomar Binay at NBI Director Magtanggol Gatdula ang mga naarestong sina Dickson Bola Akinbode, Nigerian, 31; Ousmane Diouma Bah, African, 44; Bathshegi Thato  Lazarus, Botswanian, 23, at Ade Femi Adeleke, 22, African,  pawang nanunuluyan sa Lirio St., De Castro Subd., Bacoor,  Cavite.

Ayon sa report ang mga biktimang pansamantalang itinago ang pangalan ay ni-recruit umano ni  Akinbode  upang ipuslit ang hindi  tinukoy na uri  ng droga  palabas ng bansa kapalit ng $3,000 hanggang $5,000  pocket money, libreng  round trip plane tickets at hotel accommodation.

Habang hinihintay umano ni Akinbode ang pagsang-ayon ng mga biktima, hinimok din sila nito na kung nais kumita ng komisyon, maghanap  ng travelers na nais magbiyahe dahil may offer silang diskuwentong 50 porsyento sa regular air fares   sa pamamagitan ng online ticketing purchase.

Narekober mula sa bahay ng  mga suspect ang computer units, airline tickets  na binili  sa pamamagitan ng online na binayaran ng pekeng credit card accounts na inisyu sa mga bangko sa US, Germany at Italy.

Nahaharap ang mga suspect sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; Illegal Recruitment in large scale o RA 8042 at paglabag sa Access Devices Regulation Act of 2003  sa Department of Justice (DOJ). Habang ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002 ay isinampa rin umano laban sa apat subalit walang ebidensiya o basehan na ipinakita sa media.

Samantala, tatlong sinasabing drug mules na kinabibilangan ng 2 Pinay at isang Vietnamese national ang natimbog din ng NBI sa magkakaugnay na operasyon laban sa West African drug syndicate.

Nakilala ang mga suspect na sina Carmelita Daisy Bustamante, 45; Maria Brittanica Maldo Dino, 28, at Than Thuy Ngoc, 26, Vietnamese.

Unang nadakip si Bustamante na isang teacher umano sa Cambodia sa NAIA patungo sanang Thailand  dala ang 2.25  litro ng liquefied cocaine na isinilid sa 2 shampoo bottles.

Sumunod na nadakip si Maldo Dino habang  naghihintay para ipick-up ang nasabing droga mula kay Bustamante. Nabunyag na isang recruiter si alyas “May”  ng drug mules at couriers   ang siyang nag-utos sa kanya na huling nadakip.

 

Show comments