MANILA, Philippines - Idinepensa kahapon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang kanyang ipinalabas na shoot to kill order laban sa limang pulis Maynila, matapos na punahin ni Justice Secretary Leila de Lima.
Ayon kay Lim, naniniwala siyang hindi paglabag sa human rights ang kanyang kautusan dahil ipatutupad lamang ang shoot to kill kung nanlaban ang mga pulis na sangkot.
Sinabi ni Lim na pulis kapwa pulis ang magiging magkalaban at posibleng mamiligro ang buhay ng isang tao kung kaya’t binigay niya ng shoot to kill order sa mga arresting officers at imbestigador.
Kasabay nito, “no comment” naman si Lim hinggil sa pahayag ni de Lima na ang kanyang order ay parang “Wild Wild West” na ipinatupad noong American Era kung saan ang mga cowboys ang nagtatakda ng batas.
Samantala, walang nakikitang problema ang NAPOLCOM sa pagpapalabas ng “shoot to kill order” ni Mayor Lim laban sa limang pulis na dawit sa nawawalang ransom money.
Sinabi ni Napolcom Vice-chairman at executive officer Eduardo Escueta na ang naturang termino ay upang idiin lamang ang pangangailangan na maresolba agad at pagiging seryoso ng kaso upang matauhan ang mga nagtagong pulis.
Matatandaan na dahil sa takot sa “shoot to kill order”, agad na lumutang at sumuko sina Sr. Insp. Peter Nerviza, SPO3 Ernesto Peralta, PO3 Jefferson Britanico, PO3 Mike Ongpauco at PO1 Rommel Ocampo. (Doris Franche at Danilo Garcia)