MANILA, Philippines - Patay ang isang misis makaraang pagsasaksakin siya ng kanyang mister na tinanggihan ng una na makipagbalikan, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Patay na nang idating sa Ospital ng Makati dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Edna Lucagan, 47, ng Talisay St., Brgy. Comembo habang agad namang naaresto ang mister nitong si Lidio Balser, 47.
Sa ulat ng Makati police, isang buwan na umano nang makipaghiwalay si Lucagan sa suspect dahil sa madalas na pag-uwi nito ng lasing at pananakit sa babae. Ilang beses na umanong nakiusap ang biktima kay Balser na tigilan na ang bisyo para sa dalawa nilang anak ngunit hindi nakinig ang lalaki.
Dakong ala-1:50 ng madaling araw, nakarinig ang mga kapitbahay ng ginang nang paghingi nito ng tulong.
Nang kanilang silipin ang loob ng bahay ng mag-asawa nakita nila ang suspek na nasa ibabaw ng ginang at sunud-sunod na inuundayan ito ng saksak.
Isinara naman ng dalawang saksi ang gate ng naturang bahay upang hindi makatakas ang salarin at saka humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay ang isa sa kanila sanhi ng pagkakadakip kay Balser.
Nang isailalim sa imbestigasyon, sinabi ni Balser na nagdilim umano ang kanyang pa ningin nang tanggihan ng kanyang misis ang pakiusap niya na magbalikan sila kaya niya nagawang saksakin ito. Nakaditine ngayon ang suspek sa Makati detention cell at nahaharap sa kasong murder.