MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang mag-asawa matapos na makuhanan ng may 30 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Mandaluyong City, iniulat kahapon.
Sa ulat ni Regional Director Wilkins M. Villanueva kay PDEA director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr., ang mga suspect ay sina Norman Bedo at Rugaya Bedo mga residente sa nasabing lungsod.
Ayon kay Villanueva, nasakote ang mag-asawa matapos na makipagtransaksyon ang kanilang tropa sa mga ito para bumili ng droga.
Sinasabing ang mag-asawa ay nakumpirmang nagbebenta ng droga sa nasabing lugar kung kaya agad nilang pinlano ang isang buy-bust operation.
Nagkasundo ang PDEA agent at mga suspect na magpapalitan ng items sa may bisinidad ng Samat St., corner Shaw Blvd., Brgy. Highway Hills sa lungsod ganap na alas-4 ng hapon.
Nang iabot ng suspect na lalaki ang droga sa agent ng PDEA ay agad na dinampot ang mga ito kasabay ng pagkumpiska sa may 29.215 gramo ng droga.