6 kidnaper ng Malaysian national, kinasuhan
MANILA, Philippines - Kakasuhan na ng Manila City Prosecutor Office sa korte ang anim sa walong kidnaper na naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District-Police Station 5 sa pagdukot sa isang Malaysian national noong nakalipas na linggo sa Malabon.
Kabilang sa pinakasuhan ng kidnapping for ransom ay sina Joanna Turla, 20; Edel Macalinao, 36; Francis Turla, 27; Felizardo Gutierrez, 44; Rolando Manuzon Jr., 29; at Bernardo Manuzon, 36.
Ito’y matapos mapatunayan ni Manila Assistant State Prosecutor Fransisco Salomon na may “probable cause”, sa pagkidnap kay Eric Sim Chin Tong, isang negosyante ng metal recycling. Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng 6 na suspect.
Samantala, hindi pa nakakasuhan sa korte si Marlon Lopera, na umano’y mastermind sa pagdukot kay Tong.
Lumabas sa court records na inaresto ang anim sa isinagawang police operation sa kanilang hide-out sa Riviera Mansion sa Mabini St. noong Marso 7, pagkatapos na matanggap ang ransom money na ibinayad ng biktima.
Nalaman na si Tong ay kinidnap ng apat na lalaki sa pangunguna ni Lopera, dakong alas-4 ng hapon matapos puntahan sa kanyang junk shop at arestuhin sa bisa ng pekeng warrant of arrest.
Nabatid na kinontak umano ng nga kidnaper si Joana, ka-live-in ni Tong at sinabi na kailangan ng P16 milyon ransom para sa kalayaan ni Tong. Pagkabayad ay ibinaba ng mga kidnaper si Tong sa Intramuros, Maynila, kung saan kaagad itong nagreklamo sa PCP-Intramuros na nagdala sa kanya sa MPD-PS 5.
Nabuking na kasabwat si Joana matapos ang isinagawang imbestigasyon, dahilan para maaresto ang iba pang kidnaper. (Doris Franche at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending